LEGAZPI CITY – Tiyak na umano ang postponement ng barangay at sangguniang kabataan (SK) elections na nakatakda sana sa Mayo 2020.
Sa pagtitipon na isinagawa sa Legazpi City, inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, pinag-uusapan na lamang sa ngayon kung itutuloy ito sa taong 2021, 2022 o sa 2023 dahil sa ilang bagay pang ikinokonsidera.
Payo pa ni Diño sa mga barangay officials na huwag maging kampante dahil bumuo ang ahensya ng “Bantay Korapsyon” na susuri sa pondo ng barangay na gagastusin sa mga proyekto.
Sumulat na rin aniya sa Commission on Audit (COA) na baguhin ang sistema ng paggastos ng pondo ng barangay.
Ito ay matapos na makarating sa tanggapan ang ginagawa ng ilang punong barangay na paglabas ng certification upang maka-withdraw ng pondo sa barangay treasurer habang isusunod na lamang sa liquidation.
Marami na umanong opisyal ng barangay ang nahaharap sa mga kaso dahil sa naturang taktika.
Habang seryoso aniya ang DILG na magsuspinde ng mga kapitan, kagawad at tanod na sangkot sa korapsyon.