Handa nang gampanan ni Senate Secretary Renato Bantug ang kanyang trabaho sa oras na simulan na ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Tugon ito ni Bantug matapos siyang atasan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang Clerk of Court kung saan mag-aasiste sa Presiding Officer sa pangangasiwa ng impeachment court alinsunod sa Rules of Procedure ng Impeachment Trials.
Bagamat nagpahayag ng kahandaan si Bantug, aminado itong mabigat ang kanyang magiging responsibilidad.
Gayunpaman, mayroon na rin naman aniya siyang karanasan sa paglilitis kung saan umasiste raw siya sa dating Kalihim ng Senado at sa Office of the Senate President noong nilitis si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona na nakatulong sa kanya.
Bukod dito, kumokonsulta na rin daw sila sa ibang mga abogado upang sila raw ay magabayan din ng karanasan ng mga abogadong nakikibahagi sa aktuwal na trial practice.
Halos 14 na taon na raw kasi ang nakararaan nang pagtibayin ang rules sa impeachment kaya’t may ilang probisyon na dapat nang amyendahan batay sa kasalukuyang panahon.
Sa direktiba ni Escudero sa pamamagitan ng Special Order No. 2025-015, inatasan din si Bantug na pamahalaan ang non-judicial functions ng impeachment court — kabilang ang pag-record at pag-report ng mga paglilitis, pagpapanatili ng court records, paghahanda ng mga summons at court calendar at marami pang iba.
Sa kabila nito, iginiit ni Escudero na ginagawa niya ang mga paghahanda bilang bahagi ng kaniyang tungkulin bilang senate president at magiging presiding officer ng impeachment court, — hindi dahil sa pressure o sa paratang na wala pang ginagawang aksyon ang Senado sa impeachment ng vice president.