Maaaring banyaga o foreign actor ang nasa likod ng kumalat na deepfake audio ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-uutos sa militar ng bansa na makialam sakaling magdulot ng banta ang China sa PH.
Base ito sa suspetsa ng Department of Informations and Communications Technology (DICT) ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary Patricia Kayle Martin.
Kaugnay nito, ikinokonsidera ng pamahalaan na magsampa ng mga kaso laban sa mga nasa likod ng minanipulang audio na gumagaya sa boses ng Pangulo.
Sinabi din ng PCO official na ang fabricated audio ng Pangulo ay binura na sa social media platforms at una ng itinanggi ang naturang direktiba mula sa Pangulo.
Matatandaan na kumalat ang fake audio recording ngayong buwan sa gitna ng umiigting pa na mga tensiyon sa pagitan ng PH at China sa West PH Sea.
Kaugnay nito hinimok ng PCO official ang publiko na itigil ang pagpapakalat ng fake news at binigyang diin na maaaring magpahamak ito sa foreign relations at national security.