-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Isinagawa ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO sa pamumuno ni John Karlo Ballentes ang Nutrition Month Culmination Program sa Midsayap, Cotabato.

Ito ay bilang bahagi ng selebrasyon ng pagtatapos ng buwan ng nutrisyon.

Layon ng programa na mabigyan ng parangal ang mga aktibong Barangay Nutrition Committee at Barangay Nutrition Scholars bilang pagpupugay sa kanilang pagsisikap para sa pagpapatupad ng mga aktibidad pang-kalusugan at pang-nutrisyon.

Nakatanggap ng 20,000 pesos bilang premyo ang hinirang na Most Functional Barangay Nutrition Committee at 20,000 pesos na premyo din para sa hinirang na Outstanding Barangay Nutrition Scholar na parehong nakuha ng Barangay Agriculture.

Pinarangalan din ang mga mag-aaral at ang mga tagasanay na nakilahok sa Nutri Quiz: Battle of the Best at ang Best Barangay Nutrition Scholar Community Garden, Barangays with no reported malnutrition case, Most Improved Barangay Nutrition Committee at Most Improved Barangay Nutrition Scholars.

Todo suporta naman sa programa sina Mayor Rolly “Ur Da Man” Sacdalan, Vice Mayor Vivencio V. Deomampo Jr., Konsehal Morata Q. Mantil, Konsehal Ellavi Grace Doletin, Konsehal Ian B. Ostique, Konsehal Justine Clio Ostique, Konsehal Antonio Bayya Jr., Konsehal Albert Luis Garduque at Konsehal Christopher Jatico.