-- Advertisements --

VIGAN CITY – Patay ang anak ng isang barangay chairman habang ang ama nito ay kritikal ang kalagayan matapos na pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek sa Barangay Jordan, Sinait, Ilocos Sur, alas-8:00 kagabi, November 18.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nakilala ang namatay na biktima na si Edward Inofinada, 37, habang ang ama nito na kasalukuyang ginagamot sa ospital ay si Calingayan, Sinait Barangay Chairman Leonardo Inofinada, 66.

Nakasakay umano sa tricycle ang mag-ama nang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek na kaagad na tumakas pagkatapos ng krimen.

Naitakbo sa Sto. Cristo Milagroso Hospital sa Tapao, Sinait ang mga biktima sa pamamagitan ng mga nagrespondeng miyembro ng Sinait municipal police station ngunit idineklarang dead on arrival si Edward na nagtamo ng tama ng baril sa ulo at dibdib.