KALIBO, Aklan — Patay ang 35-anyos na lalaki habang inoobserbahan sa Aklan Provincial Hospital ang kanyang inang barangay chairman matapos silang pagbabarilin ng isang motorcycle-riding na suspek sa Barangay Rivera, Ibajay , Miyerkules ng umaga.
Kinilala ng Ibajay Municipal Police Station ang namatay na si Jim Belinario, dating barangay kagawad ng naturang lugar.
Samantala, ang ina ng biktima na si barangay chairman Mageline Belinario, 56 ng nasabing barangay ay agad na isinugod sa ospital dahil sa tama ng bala sa kanyang katawan.
Sa report ng pulisya, nangyari ang insidente alas-9:00 nang umaga.
Binabagtas ng mga biktima ang barangay road gamit ang isang motorsiklo nang tumabi ang dalawang motorsiklo lulan ang tatlong hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril ang mag-ina sanhi upang bumangga pa ang motorsiklo sa gilid ng pakurbadang kalsada.
Dead-on-the spot si Jim dahil sa tama ng .45 pistol sa ulo habang agad na tumakas ang mga suspek papunta sa bulubunduking bahagi ng Napatag, Tangalan matapos ang krimen.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.