-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Bumuo na nang Special Investigation Task group ang Maguidanao Police Provincial Office kaugnay sa nangyaring pananambang-patay sa barangay chairman at asawa nito sa bayan ng Parang, Maguindanao del Norte.

Ito ang inihayag ni Police Major Christopher Cabugwang, Parang Maguindanao Del Norte Chief of Police sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ni Cabugwang ang mga biktima na sina Barangay Polloc, Parang Chairman Abubacar Abdul at misis nitong Baisa Abdul na kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Nangyari ang pananambang sa national highway, Sitio Timbangan, Brgy. Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte habang pauwi ang mga biktima.

Sakay ang mag-asawa sa puting Toyota hilux na minamaneho ni Chairman Abdul nang pagbabarilin ng mga armadong suspek.

Sa ngayon, inaalam pa ang motibo ng krimen at kung may kinalaman ito sa kanyang posisyon bilang barangay chairman.

Narekober naman sa crime scene ang limang basyo ng caliber 45 pistol.

Sa ngayon, target ng binuong Special Investigation Task Group(SITG) na maresolba sa mas mabilis na panahon ang kaso at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.