Patay sa pamamaril ang isang Barangay chairman kahapon, Sabado sa Tanza, Cavite.
Ito din ang unang araw ng pagsisimula ng election period para sa nalalapit na May 14, 2018, Barangay at SK elections.
Kahapon din nagsimula ang filing ng certificate of candidacy para sa mga tatakbo sa halalan.
Bagamat epektibo na rin kahapon ang Comelec gunban sa buong bansa, biktima ng pamamaril ang isang punong barangay.
Batay sa ulat ng Cavite PNP, binaril patay ang barangay chairman ng mga suspek na sakay sa isang motorsiklo.
Nakilala ang biktima na si Leonilo Arbonido, 56-anyos, chairman ng Barangay Julugan VI.
Batay sa inisyal na imbestigasyon na ang biktima ay nasa kaniyang sari-sari store ng bigla na lamang paulanan ng bala ng mga suspek.
Si Arbonido ay nagtamo ng tatlong gunshot wounds na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.
Hindi naman nakuha ng mga testigo ang plate number ng motorsiklo kung saan sakay ang mga suspek.
Nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang manhunt operations ng Cavite PNP laban sa mga suspek.
Napag-alaman na last term na bilang barangay captain ni Arbonido.