CENTRAL MINDANAO- Sinuspende ng Sangguniang Bayan ng Midsayap Cotabato ang isang barangay kapitan dahil sa grave misconduct at abuse of authority.
Batay sa Resolution No. 2020-183, sinailalim si Myrna Bregondo, punong barangay ng Brgy. Kiwanan, Midsayap, Cotabato, sa 30-days preventive suspension habang nililitis ang asunto nito.
Sa pitong pahinang reklamo na isinumite sa SB-Midsayap nina Barangay Kagawad Rolando Jabel, Kag. Nicolas Torres, Kag. Angel May Molato, Kag. April Ann Santos, Kag. Danilo Viado at SK Chairman Lerson Jay Letran, nakapaloob ang mga umanoy hindi dumaan sa tamang prosesong pagdedesisyon ni Kapitan Bregondo gaya na lamang ng muling pag-upo ng isang kagawad ng barangay na una nang nag-resign sa kaniyang tungkulin ilang buwan na ang nakalilipas, pag-appoint sa ilang Barangay Peacekeeping and Action Team (BPAT) at ang pagtanggal sa ilang opisyales ng barangay.
Dagdag pa rito, inirereklamo rin si Bregondo dahil sa pagpigil nito sa pagbibigay ng sweldo sa mga elected at appointed barangay officials sa loob ng tatlong buwan.
Samantala, mariin namang pinabulaanan ni Kapitan Bregondo ang mga akusasayon laban sa kaniya.
Sa kanyang opisyal na pahayag, wala umanong katotohanan ang lahat ng mga paratang ng mga kagawad nito laban sa kaniya.
Dagdag pa rito, wala umanong basehan ang lahat ng mga ibinabatong alegasyon laban kanya.
Sa ngayon ay magpapatuloy ang SB-Midsayap sa paglilitis sa mga inihaing reklamo laban kay kapitan Bregondo.
Tatayo naman pansamantala bilang Officer-in-charge (OIC) na Kapitan ng Brgy. Kiwanan si Kag. Rolando Jabel habang suspendido si Kap. Bregondo.