-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang opisyal ng barangay at sugatan ang kanyang mga kasamahan sa pamamaril dakong alas-8:45 kagabi sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Barumbong “Bong” Matalam Bacana, brgy chairman ng Barangay Kayaga sa Kabacan, North Cotabato.

Sugatan naman ang mga kasama nito na nagpapagaling sa isang pagamutan sa bayan ng Kabacan.

Ayon sa ulat ng pulisya na nag-uusap ang mga biktima sa loob ng barangay hall sa Sitio Lumayong, Brgy Kayaga sa Kabacan, Cotabato nang ito ay biglang pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola at ibang uri ng armas.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin lulan sa isang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Kabacan.

Binawian ng buhay si Kapitan Bacana nang magtamo ito ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Habang naisugod kaagad sa pagamutan ang mga sugatan nitong kasamahan.

Noong nakalipas lamang na linggo, binaril-patay din si Brgy Kapitan Ben Ilisan Kandanganan ng Brgy Lower Paatan, Kabacan, Cotabato.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Kabacan PNP sa pamumuno ni Major Realan Mamon sa kaso sa pamamaril sa grupo ni Brgy Kapitan Bacana.