Isang 60-anyos na barangay chairman ng Lipa City ang pinatay ng hindi pa nakikilalang salarin sa Batangas Linggo ng madaling araw, ayon sa pulisya.
Kinilala ni Lipa chief of police Lt. Col Ariel Azurin ang biktima na si Vivencio Palo, residente at barangay kapitan ng Barangay San Carlos, Lipa City, Batangas.
Ayon sa ulat, nagbababa si Palo ng ilang paninda sa kanyang tindahan na matatagpuan ilang metro lamang ang layo mula sa barangay hall, nang may humintong sasakyan sa kanyang harapan dakong 5:15 ng umaga.
Kasunod nito, nagpaputok ng baril ang gunman patungo kay Palo na tinamaan ito sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Isinugod sa ospital si Palo ngunit binawian ng buhay habang ginagamot sa emergency room.
Tumakas ang sasakyan ng gunman patungo sa hindi malamang direksyon matapos ang insidente.
“Madilim pa kasi noong mga oras na yon kaya hindi nakuha ang plate number ng sasakyan ng mga suspek,” ani Lt. Col. Azurin.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng kalibre 9mm pistol.
Dagdag pa ni Azurin, batay sa mga testimonya ng mga kaanak ni Palo, pulitika ang posibleng motibo ng insidente ng pamamaril.
Si Palo ay nakatakdang tumakbo para sa panibagong termino bilang barangay chairman ng Barangay San Carlos sa darating na barangay election, ani Azurin.