KALIBO, Aklan – Nagpapagaling na sa isang pribadong ospital sa bayan ng Kalibo ang isang barangay chairman matapos umanong magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng lason sa loob ng isang resort sa Brgy. Jawili, Tangalan, Aklan.
Kinilala ang pasyente na si Dindo Muyo, chairman ng Barangay Colong Colong sa bayan ng Ibajay.
Base sa report, natagpuan si Muyo na nakahiga at nagsusuka sa loob ng inupahang kwarto sa naturang resort at agad dinala sa ospital ng mga rumespondeng rescuer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Tangalan.
Nakapag video call pa umano ito sa kanyang barkada at dating guro pagkatapos na mainom ang lason dahilan na agad itong nasaklolohan.
Napag-alaman ng mga awtoridad na uminom ng pesticide si Muyo, dahil diumano sa sobrang stress at mga natatanggap na mga negatibong komento sa kabila na seryosong ginagampanan ang trabaho.