Arestado ang re-elected chairman ng Barangay Sta Clara, Sto.Tomas, Batangas matapos ipatupad ng Batangas police ang search warrant laban sa suspek kaninang alas-5:00 ng madaling araw.
Ayon kay PRO4-A regional police director C/Supt. Guillermo Eleazar, kinilala nito ang suspek na si Barangay Captain Jay Monterola.
Arestado rin ang dalawa nitong kasamahan na sina Crizaldo Castillo at Samuel Gordora na hinihinalang private armed groups ng naarestong barangay chairman.
Inaresto si Monterola matapos magpositibo sa iba’t ibang klase ng baril.
Kabilang sa mga narekober mula sa suspek ay isang carbine rifle cal. .30, dalawang piraso ng magazine ng carbine na may 56 live bullets, dalawang caliber .45 pistol anim na magazines ng caliber .45 at 43 piraso live ammos ng cal. .45.
Samantala, maliban kay Monterola kasama rin sa inaresto ay ang dalawang bodyguard nito.
Una nang nabatid na ang Barangay Sta Clara sa Sto.Tomas ay nasa watchlist area nong panahon ng barangay at SK elections.
Ayon kay Eleazar kanilang isusumite sa Crime Lab ang mga narekober na armas para isailalim sa ballistics examination para matukoy kung ang mga nasabing baril ay ginamit sa krimen.