Nais ni Manila Mayor Isko Moreno na mapatawan ng parusa ang mga pinuno ng barangay at pulisya na mabibigong tanggalin ang mga iligal na istruktura sa nasasakupan nilang lugar.
Kabilang si Moreno sa humarap sa organizational meeting ng Senate committee on local government na pinamumunuan ni Sen. Francis Tolentino.
Sinabi ng alkalde na kung pananagutin ang mga mayor na hindi makakapaglinis sa nasasakupan nilang siyudad, dapat ay panagutin din ang mga chairmen ng barangay at mga pulis.
Ipinunto ni Moreno na may mga malalaking siyudad na hindi na kayang suyurin ng mga mayor upang matiyak na malinis at walang mga iligal na istruktura.
“Kung papanagutin ang mga mayor, papanagutin na din yung mga pulis at barangay chairman dahil kawawa naman ang mga mayor. Ang laki-laki ng siyudad,” wika ni Moreno sa komite.
Gusto ni Moreno na suspensiyon agad ang ipataw sa mga barangay chairmen samantalang demotion naman sa mga pulis.
Ipinunto pa ni Moreno na mismong ang Supreme Court ang nagsabi na ang mga lansangan ay hindi dapat ginagamit sa komersiyo.