Nangako ang Department of Health (DoH) na kabilang na ang mga Barangay Health Workers sa makikinabang sa P27 billion budget.
Ito ay bahagi ng ilalabas ng Department of Budget and Management (DBM) bilang kabayaran sa natitirang utang sa Health Emergency Allowance Claims.
Ayon kay Health Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, agad na paglalaanan ng pondo ng kagawaran ang Centers for Health Development sakaling matanggap na ang Special Allotment Release Order (SARO) ng DBM.
Aniya, ang mga kwalipikadong Barangay Health Workers ay ang mga nakatalaga sa lisensiyadong health facilities at health-related establishments na may kaugnayan sa COVID-19 response mula noong ideklara ang pandemya.
Kaugnay nito, ang Centers for Health Development ang naatasang mag-proseso ng disbursement ng Health Emergency Allowance sa local government units at Private Health Facilities na nakakasakop.