CENTRAL MINDANAO-Dalawa katao ang nasawi sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang nasawi na si Barangay Kagawad Robillar Jabao na residente ng Barangay Mahongkog Magpet Cotabato.
Patay rin ang suspek na si alyas Dado na binaril ng isang myembro sa Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT ).
Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villar na sakay si Kagawad Jabao sa kanyang motorsiklo patungong barangay hall para magpatala sa Philsys ng PSA angkas ang kanyang dalawang anak.
Hinarang umano ito ng dalawang hindi kilalang suspek at binaril ang biktima gamit ang kalibre.45 na pistola.
Papatakas na ang mga suspek na sakay rin ng motorsiklo na paputukan sila ng isang BPAT gamit ang M1 Carbine rifle.
Patay ang angkas ng motorsiklo habang nakatakas ang driver.
Hindi na rin umabot sa pagamutan si Kagawad Jabao nang magtamo ng tama ng bala sa leeg habang ligtas ang kanyang dalawang anak.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Magpet PNP sa naturang pangyayari.