-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Tiniyak ng Bacolod City Police Office ang malalimang imbestigasyon kaugnay sa pagpatay sa barangay kagawad ng Barangay 2 na binaril sa harap mismo ng kanyang mga kainuman.

Ang biktimang si Barangay Kagawad Romeo Canlas ay pinatay ng tatlong mga lalaki habang umiinom sa Purok Masanag Uno, Barangay 26.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Barangay Kagawad Reno Delarna na kasama ng biktima, walo silang lahat na umiinom at nagulat na lamang ang mga ito nang biglang lumapit ang tatlong armadong mga lalaki na nakasuot ng bonnet at nagtanong kung kilala nila si Ferlyn.

Pinadapa umano sila ng mga suspek bago dinala si Canlas sa isang sulok at binaril ng makailang beses na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Matapos ang krimen, kaagad na tumakas ang mga suspek sakay sa pribadong sasakyan.

Nabatid na bago uminom kasama ang mga kaibigan, si Canlas ay galing sa sabungan.

Ayon kay BCPO spokesperson Police Lt. Col. Ariel Pico, may kinalaman sa iligal na druga, politika o personal grudge ang tinitingnang motibo sa pagpatay sa barangay official.

Si Canlas ayon kay Pico ay nasa drugs watchlist ng BCPO noong taong 2018 ngunit hindi pa masasabi kung ito ang nag-iisang motibo sa krimen.

Ayon sa resulta ng autopsy examination, si Canlas ay nagtamo ng walong sugat sa dibdib at sa magkabilang bahagi ng kanyang tiyan.