-- Advertisements --

CAUAYAN CITY -Inihahanda na ang kaso laban sa isang Punong Barangay at 8 kasamahan matapos maaktuhang nagkakarga ng mga illegal na pinutol na kahoy sa isang truck sa barangay Cataguing, San Mariano, Isabela.

Ang suspect ay si Harley Deolazo, 54 anyos, Punong Barangay ng Brgy. Cataguing, San Mariano, Isabela.

Kabilang sa mga naaresto sina Helbert Martinez, 30 anyos, binata, magsasaka; Donald Cachuela, 37 anyos; Jeffrey Deray, 31 anyos; Michael Bacani, 19 anyos, binata, magsasaka; Jomari Palattao, 29 anyos, may-asawa, magsasaka at pawang residente ng Buyasan, San Mariano, Isabela.

Kasama rin sa mga naaresto sina Jerold Malsi,34 anyos; Jerrymi Malsi, 29 anyos, binata , laborer at Jackson Malsi, 37 anyos, pawang residente ng Cataguing, San Mariano, Isabela.

Nagsagawa ng anti illegal logging operation sa pinacanauan River sa barangay Cataguing ang magkasanib na puwersa ng Police Intervention Unit, Isabela Police Provincial Office, San Mariano Police Station at 1st Isabela Police Mobile Force Company na nagsanhi sa pagkakaaresto ng mga punong barangay kabilang ang walong kasamahan.

Nasamsam ng mga otoridad ang himigit kumulang 2,000 board feet ng nilagareng kahoy na isinakay sa 6X6 truck na may plakang BCJ 617 na pagmamay-ari ni Punong barangay Deolazo .

Naaktuhan ng mga pulis ang mga suspect na nagkakarga ng mga pinutol na kahoy sa truck sa tabing ilog ng Pinacanauan River sa barangay Cataguing.

Ang mga pinaghihinalaan at ang sasakyan na naglalaman ng mga kahoy ay dinala sa San Mariano, Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon .