KORONADAl CITY – Sumisigaw ng hustisya sa ngayon ang pamilya ng isang punong barangay na nasawi sa pamamaril sa Barangay Basak, Lebak, Sultan Kudarat.
Sa impormasyong ipinaabot sa Bombo Radyo Koronadal ni P/LtCol. Julius Malcontento, hepe ng Lebak MPS, habang nakatayo sa harapan ng kanilang tindahan si Brgy. kapitan Rogelio “Tentoy” Talagtag Jr, 53 anyos, nilapitan ito ng isang armado at pinagbabaril ng makailang beses.
Agad naman na tumakas sakay ng motorsiklo sa hindi malamang direksiyon ang gunman.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na siyang ikinasawi nito.
Lumabas din sa post mortem examination na limang bala ng caliber 45 ang tumama sa ibat-ibang bahagi ng katawan ng biktima na naging dahilan ng pagkamatay nito.
Nakarekober naman ang slug at basyo ng bala sa crime scene.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ang motibo ng krimen at inaalam kung sino ang may kagagawan nito.
Iniutos na din ng alkalde sa bayan ng Lebak sa hepe ng pulisya na maresolba agad ang kaso.