CAUAYAN CITY- Masama pa rin ang loob ni barangay kapitan Domingo Tagufa ng barangay Balug, Tumauini, Isabela matapos na mapatawan ng 6 na buwang suspensiyon dahil sa umano’y maanomalyang pamamahagi sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration program.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Tagufa, sinabi niya na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap ang kanyang pagkakasangkot sa anomalya may kauganyan sa SAP dahil malinaw sa kanya na malinis ang kanyang konsensiya.
Aniya wala siyang ibang intensiyan para sa kanyang mga nasasakupan kundi ang makatulong partikular sa mga nangangailangan.
Isa sa kanyang nakikitang dahilan sa pagdidiin sa kanya sa naturang issue sa SAP ay ang interest ng iba sa kanyang kasalukuyang posisyon bilang barangay kapitan na siyang nagtulak sa mga barangay na ireklamo siya sa anomalyang wala naman siyang kinalaman.
Ayon pa kay Barangay Kapitan Tagufa na malinis ang kanyang konsensiya at bagamat napatawan ng suspensiyon ay umaasa siyang muling makakabalik sa serbisyo para paglingkuran ang kaniyang mga kabarangay.
Nagsimula ang suspensiyon ni Kapitan Tagufa kasama ang mahigit 80 Barangay Kapitan buong bansa noong Oktubre 2020 at magtatapos April 2021.