-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Patay sa pamamaril ang isang opisyal ng Barangay sa lalawigan ng Maguindanao Del Sur.

Nakilala ang biktima na si Hadji Basit Zangkala,57 anyos,may asawa at Brgy Chairman ng Brgy Labu-Labu 2 Datu Hoffer Maguindanao Del Sur.

Ayon kay Shariff Aguak Chief of Police Major Haron Macabanding na habang hinihintay ng biktima ang kanyang asawa sa bahagi ng Brgy Mother Poblacion Shariff Aguak Maguindanao Del Sur ay bigla na lamang itong nilapitan ng mga hindi kilalang suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng bayan ng Datu Hoffer.

Naisugod pa sa pagamutan ng mga nagrespondeng pulis si Kapitan Zangkala ngunit hindi na ito umabot ng buhay ng magtamo ng pitong tama ng bala sa kanyang katawan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Shariff Aguak MPS sa pamamaril patay sa biktima.