-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Pinabulaanan ng punong barangay ng Disimuray, Cauayan City ang isyu na tinanggihan niya umano ang mga donasyon na gulay mula sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Una rito ay naging viral sa social media ang post ni Ginang Prima Fernandez na residente rin ng naturang barangay kaugnay sa pagtanggi umano ni Barangay Kapitan Pablo Pabigayan sa mga naturang gulay na mula sa kanilang kakilala sa Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Fernandez na sinabi sa kanya ng kanyang mister na may gustong magbigay ng gulay sa kanilang barangay kaya agad din siyang naghanap ng puwede niyang makatransaksyon.

Ibinigay sa kanya ng kanilang barangay treasurer ang numero ng kanilang barangay kapitan pero dahil hindi niya nakontak ay naghanap na lamang siya ng iba na opisyal din sa kanilang barangay.

Nakita niya sa kanyang mga kaibigan sa facebook ang Sangguniang Kabataan chairman sa kanilang barangay na si SK chairman Charleston Cruz kaya nakiusap siya na sabihin sa kanilang barangay kapitan na may gustong magbigay ng gulay at pumayag naman umano si kapitan Pabigayan.

Kinaumagahan ay agad na nagbiyahe ang may-ari sa mga gulay pero hindi nasunod ang usapan nilang sunduin ang mga gulay dahil walang sasakyan na gagamitin.

Dahil dito, idiniretso na lamang sa San Isidro, Ilagan City ang lahat ng mga gulay.

Gayunman ay sinabi umano ng kanyang mister na tinanggihan ng kanilang kapitan ang mga gulay at batay naman sa kanilang SK Chairman ay sinabi umano ni kapitan Pabigayan na kung kunin nila ang mga gulay ay baka pag-awayan lamang ito ng kanilang mga kabarangay.

Sa ngayon ay marami na aniya siyang natatanggap na hindi magandang salita dahil sa kanyang post sa facebook.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay SK chairman Charleston Cruz, sinabi niya na hindi tinanggihan ng kanilang kapitan ang mga naturang gulay pero ang naging problema ay walang magamit na sasakyan nang dumating ito.

Gayunman ay inatasan naman umano siya ni kapitan Pabigayan na makiusap na lamang siyang ideliver sa kanilang barangay ang mga gulay pero kung hindi papayag ang donor ay idiretso na lamang nila sa lungsod ng Ilagan dahil baka pag-awayan lamang ito ng kanilang mga kabarangay.

Sa umagang iyon aniya ay nasa centro ng lunsod ng Cauayan ang dumptruck ng kanilang barangay kasama ang kanilang kapitan.

Aniya, dahil wala silang makita na sasakyan ay sinabihan na lamang niya ang magdodonate na hindi na nila kukunin ang gulay dahil ayaw niya rin silang paghintayin ng matagal.

Payo naman niya sa mga nagcomment sa post sa social media na alamin muna ang totoo bago magsalita para walang masaktan.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay barangay kapitan Pablo Pabigayan, pinabulaanan niya ang paratang na tinanggihan niya ang mga naturang gulay.

Aniya, dahil ang kanilang SK chairman ang nakipagtransaksyon ay siya na rin ang inatasan niyang titingin ng sasakyan na susundo sa Nagulian Bridge dahil doon ang kanilang usapan na pagbabagsakan ng gulay.

Ayon sa kanya, ang kanilang SK chairman ang nagsabi na dalhin na lamang lahat sa lungsod ng Ilagan ang mga gulay at hindi rin niya sinabing pag-aawayan lamang ito ng kanyang kabarangay.

Gayunman ay inisip din niya na baka kung may hindi mabigyan ay may masabi nanaman tungkol sa kanya.

Giit niya na handa siyang tanggapin ang mga donasyong gulay dahil para rin ito sa kanyang nasasakupan.

Sinabi niya na nagkulang lamang sa koordinasyon kaya pakiusap niya sa publiko na bago magsalita ay alamin muna ang totoo dahil siya na ngayon ang nagiging masama.