TUGUEGARAO CITY-Patay ang multi-awarded barangay captain ng bayan ng Piat, Cagayan matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek pasado 6:00 kagabi.
Kinilala ang biktima na si Brgy. Chairman Richard Biraquit ng Sto. Domingo, Piat, Cagayan.
Batay sa inisyal na report ng pulisya, pauwi na ang biktima kasama ang kanyang asawa lulan ng kanilang sasakyan nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang suspek sa bahagi ng Sitio Malasat sa naturang barangay.
Nagtamo ng tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima at mismong ang asawa nito ang nagdala sa kanya sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara itong dead on arrival ng umasikasong doktor.
Narekober naman sa crime scene ang 5 fired cartridge ng caliber .45 kung saan patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo ng pamamaslang.
Si Kapitan Biraquit ay tinanghal bilang Outstanding Sugarcane Farmer noong taong 2016-2017 sa National Gawad Saka Award ng Department of Agriculture at Gintong Medalya Awardee sa Dangal ng Lahing Cagayano ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan noong taong 2019.