Patuloy ngayong tinutugis ng mga otoridad ang isang barangay kapitan matapos ang nangyaring pamamaril na ikinasawi ng kaatid nitong lalaki sa Brgy. Poblacion bayan ng Argao Cebu.
Kinilala ang biktima na si Mark Anthony Villamora, 39 anyos habang ang suspek ay si Roberto Villamora alyas Yongyong, 40 anyos, at kasalukuyang kapitan ng Brgy. Panadtaran sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Star Fm Cebu kay PCMS Vivian Tamayo, Chief Investigator ng Argao Municipal Police station, napag-alaman na nanonood ng billiards ang dalawa at doon na nagkaroon ng alitan.
Umalis ang biktima at pagbalik nito ay doon na nangyari ang barilan.
Naisugod pa ang biktima sa pagamutan ngunit dahil sa natamong tama sa didbdib ay binawian na ito ng buhay.
Sa kanilang pagsusuri sa CCTV footage, sinabi ni Tamayo na hindi pa umano nila matukoy kung sino ang naunang nagpaputok dahil naka-high beam ang sasakyan ngunit nakapagpaputok pa umano ng apat na beses ang kapitan.
Posibleng gumanti din umano ang biktima dahil may natagpuan sa tabi nitong tatlong empty shell at armas sa pinangyarihan ng krimen.
Dagdag pa nito na dati na umanong hindi magkasundo ang magkapatid at sa katunayan ay pinapablotter na ng makailang beses ng suspek ang biktima dahil sa grave threat, alarm and scandal, at slight physical injuries and maltreatment.
Sa ngayon, patuloy pa ang kanilang isinagawang imbestigasyon at kasong homicide naman ang isasampa laban sa barangay kapitan.
Nanawagan naman ito sa suspek na sumuko nalang at panagutan ang ginawang krimen.