-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patay sa pamamaril sa Echague, Isabela ang barangay kapitan ng Camarao, Cordon, Isabela.

Naganap ang pamamaril sa opisyal na kinilalang si Ricardo Mencias sa tulay sa Brgy. Annafunan, Echague, Isabela partikular sa daan na papuntang Barangay Pag-asa.

Batay sa paunang imbestigasyon, si Mencias ay sakay ng Sport Utility Vehicle (SUV) nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang suspek.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril ang mukha ni Mencias na tumagos sa kanyang batok na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Agad nagtungo ang mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng pamamaril para magsagawa ng pagsisiyasat.

Patuloy din ang masusing imbestigasyon ng mga kasapi ng Echague Police Station para matukoy ang mga suspek at motibo kay pagbaril-patay kay Mencias.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng kanyang manugang na si Alexander Lagare na mabait ang kanyang biyenan na nasa ikatlong termino na bilang barangay kapitan ng Camarao.

Ang paalam ng kanyang biyenan ay pupunta sa Alfonso Lista, Ifugao para ibigay ang sahod ng isa nilang tauhan doon at hindi nila alam ang kanyang sadya sa Echague, Isabela.

Wala silang alam na motibo sa pagpatay sa kanyang biyenan dahil wala silang alam na kanyang nakaaway.