CENTRAL MINDANAO – Personal na alitan o rido ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril sa isang barangay kapitan sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang biktima na si Norodin Manalasal, barangay chairman ng Barangay Malingao, Midsayap, North Cotabato.
Ayon kay Midsayap chief of police Lt. Col. John Miridel Calinga na lulan ng kanyang minamanehong multi-cab ang biktima at binabaybay ang Quezon Avenue, Barangay Poblacion 5 sa bayan ng Midsayap ng bigla itong dikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek pabalik ng town proper.
Ang biktima ay agad dinala sa pagamutan at nasa maselang kondisyon.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Midsayap PNP sa pamamaril sa biktima.