CENTRAL MINDANAO-Puno ng pasasalamat ang higit isang libong mga residente ng Barangay New Bohol, Kidapawan City sa isinagawang Serbisyong Totoo Caravan ng Provincial Task Force on Ending Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC).
Masayang ibinalita ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Provincial Director Ali Abdullah ang P20 milyong pondong inilaan para sa nabanggit na barangay noong 2021 sa ilalim ng Local Government Support Fund-Support to Barangay Development Program (LGSF-SBDP) bilang bahagi ng Retooled Service Community Program (RSCP), isang espesyal na programa para sa mga komunidad na dating apektado ng armed-conflict.
Mula sa nabanggit na pondo, iba’t ibang mga proyekto sa barangay ang isinagawa tulad ng: concreting of Farm-to-Market Road na nagkakahalaga ng mahigit P16.5 milyon; expansion of level III water system ng Purok-1 at Purok-5 sa halagang P500,000.00 bawat isa, construction of barangay health station sa halagang P1.9 milyon at electrification sa Purok-2 na nagkakahalaga ng P586,435.09. Ayon sa DILG, kumpleto at functional na ang mga ito.
Samantala, bahagi rin ng naturang serbisyo caravan ang pamamahagi ng iba’t ibang serbisyo katuwang ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Kidapawan at national line agencies, kung saan tumanggap ang mga lokal na residente ng libreng check-up, vitamins for senior citizens, manicure, pedicure, disaster IEC Materials, food packs, fruit trees, buntis kits at maraming pang iba.
Personal naman na tinungo ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño Mendoza ang nasabing aktibad kung saan sa kanyang mensahe ay binigyan diin nito na ang diwa ng serbisyo caravan ay ang pagbibigay ng totoong serbisyo sa lahat ng panahon sa mga mamamayan.
Labis naman na pasasalamat ang ipinaabot ni New Bohol Barangay Chairman Pepito G. Iremedio Sr. sa PTF-ELCAC at kay Governor Mendoza dahil isa ang kanilang barangay sa napiling maging benipisyaryo ng nasabing programa. Aniya, napakalaking tulong ang naibigay ng serbisyo caravan sa kanyang nasasakupan.
Ang serbisyo caravan ngayon ay isinagawa rin sa tulong ng Provincial Accountant’s Office kung saan dumalo rin sina 2nd District Board Member Ryl John Caoagdan, provincial department heads, mga kinatawan mula sa lungsod ng Kidapawan at mga opisyal ng barangay at mga katuwang na ahensya ng pamahalaan.