-- Advertisements --

Desidido ang Department of Social Welfare and Development na maghain ng kaso laban sa isang Brgy. official mula sa Davao Region na naging laman ng balita kamakailan matapos niya umanong kaltasan ang benepisyong natanggap ng isang ginang mula sa ahensiya.

Inutusan na ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang regional director ng DSWD Field Office 11 na tumulong sa pagsasampa ng kaso laban sa brgy official.

Nag-ugat ang kaso matapos tumanggap ang ginang na kinilalang si Anne Villarin ng P10,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.

Batay sa salaysay ni Sec. Gatchalian, inutusan umano ng hindi pa pinangalanang barangay official ang naturang ginang na i-remit sa brgy ang natanggap na P10,000. Agad namang tumugon ang ginang ngunit laking gulat na lamang niya nang tinanggal ang P8,500 mula sa P10,000 na kanyang natanggap at tanging P1,500 lamang ang ibinigay sa kanya.

Agad namang ikinwento ng ginang sa online platform ang nangyari sa natanggap na ayuda na agad ding naiparating sa DSWD, hanggang kay mismong Sec. Gatchalian.

Ayon kay Sec. Gatchalian, maghahain sila ng administrative at criminal complaint laban sa naturang brgy official.

Muli namang nagpa-alala ang ahensiya sa mga benepisyaryo ng kanilang mga programa na walang sinumang dapat kumuha sa kanilang natatanggap na tulong mula sa pamahalaan.

Nauna na ring humingi ang DSWD ng tulong sa DILG at PNP para sa paghahain ng akmang kaso laban sa brgy official.