KALIBO, Aklan – Upang mahikayat ang mga mamamayan na mag-recycle, inilunsad ng barangay council ng Caticlan sa Malay, Aklan ang proyektong “Basura Mo, Palitan ko ng Bigas.”
Paliwanag ni Barangay Captain Ralf Tolosa, sinimulan nila ang proyekto ngayong buwan ng Hulyo upang masolusyunan ang problema sa plastik.
Maaari umanong magbigay ang mga residente ng isang kilong plastik kapalit ng isang kilo ng bigas sa Caticlan Multi-purpose Hall simula Lunes hanggang Sabado, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Maliban sa mga ginupit na plastics, mga malilinis na debotelyang plastik ang kanilang tinatanggap para sa recycle, kung saan, limitado lamang sa limang kilo ng bigas sa isang buwan ang maaring ibigay sa isang indibidwal.
Ang tone-toneladang basura mula sa nasabing bayan lalo na sa isla ng Boracay ay itinatapon ngayon sa Kabulihan sanitary landfill sa mainland Malay.
Ang Barangay Caticlan ay isa sa mga dinaraanan papuntang Boracay.