-- Advertisements --

LAOAG CITY – Iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na paglabag sa batas na hati-hatiin ang halaga mula sa Social Amelioration Program (SAP) para sa bawat pamilya.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, sinabing ito ay paglabag sa batas at sa kasunduan dahil hindi tama ang ginawa ng mga opisyal na pinaghati-hati ang halaga ng pera mula sa nasabing programa.

Aniya, dapat ipaalam sa mga opisyal ng DSWD ang maling gawain ng mga opisyal ng barangay upang ito ay iwasto.

Ito ay kaugnay sa ginawa ng kapitan ng Brgy. 9, San Lorenzo, Sarrat, Ilocos Norte na umano’y pinaghati-hati ang total ng SAP benefits para mabigyan ang lahat ng pamilya na nakatira sa barangay.

Aminado si Usec. Paje na may mga report sa kanila na nagagamit ang SAP benefits sa pagsusugal o sa hindi wasto, na ito ay labag sa batas ngunit gagawin nila ang lahat upang kausapin ang mga tao na dapat gamitin na lamang ang pera na ibili sa pangangailangan sa araw-araw o ibigay sa kanilang kasapi ng pamilya.

Samantala, umaabot na sa P15.8 billion ang naibibigay ng DSWD sa mga local government units (LGUs) bilang tulong sa mga residente at P2.7 million non-4Ps ang nabigyan ng ayuda.

Nasa P79.3 billion ang natransfer sa mga local government units na kabilang sa 1,509 na LGUs.

Dagdag ni Usec. Paje, bukod pa sa 3.7 million na benepisyaryo na 4Ps card holders ay nabigyan ng P16.3 billion at kasama ang mga 40,000 public utility vehicle (PUV) drivers na nabigyan ng ayuda sa Metro Manila noong unang Linggo ng Abril.