-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagreklamo sa Bombo Radyo Vigan ang isang barangay kagawad sa Brgy. Baybayabas, Santiago, Ilocos Sur dahil sa kanilang lugar umano ibinaon o itinapon ang mga nakumpiskang baboy sa Brgy. Ayudante, Candon City, Ilocos Sur noong isang araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Barangay Kagawad Cesar Garbida na nangangamba umano ang mga tao sa kanilang barangay na posibleng mayroong masamang epekto sa kanilang kalusugan at sa mga nag-aalaga rin ng baboy ang pagbaon sa lupa sa kanilang barangay sa mga baboy na pinaniniwalaang nanggaling sa dalawang bayan sa Pangasinan na apektado ng African Swine Fever virus.

Nalilito umano sila dahil mas malawak naman ang Candon City kung ikukumpara sa bayan ng Santiago kung bakit doon pa sa kanilang lugar napiling maibaon o maitapon ang mga nasabing baboy.

Binigyang-diin nito na bago sana naibaon sa lupa sa kanilang lugar ang mga nasabing baboy ay nagkaroon muna ng konsultasyon sa mga residente at nauna munang sinabi sa kaniya at sa mga kasamahan nitong barangay officials.

Sa ngayon, kinukuha pa ng Bombo Radyo Vigan ang statement ng Provincial Quarantine Office hinggil sa nasabing reklamo.