VIGAN CITY – Isinailalim na sa “extreme enhanced community quarantine” o total lockdown ang Brgy. Magsaysay, Tagudin, Ilocos Sur matapos na makumpirma ang kauna-unahang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID- 19) sa lalawigan.
Ito ang idineklara ni Governor Ryan Singson sa isinagawang press briefing nitong Sabado ng hapon sa provincial capitol kasabay ng kaniyang bilin na isagawa na rin ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng nasabing COVID patient, maliban sa kaniyang pamilya.
Bagama’t walang travel history sa anumang bansa o lugar na apektado ng COVID-19 ang pasyente na 55-anyos na babae, malaki umano ang posibilidad na na-expose ito sa kaniyang anak na galing sa Amerika na umuwi noong Marso 8 na mayroon nang mga sintomas ng nasabing sakit ngunit hindi uminom ng kahit anong gamot at hindi nagtungo sa ospital para magpagamot.
Marso 18 nang nakaramdam umano ng sintomas ng nasabing sakit ang pasyente ngunit hindi pa ito nagpaospital hanggang sa nawalan ito ng malay noong Marso 21 kaya itinakbo ito sa Ilocos Sur District Hospital-Bio, Tagudin ngunit inilipat sa Bethany Hospital, San Fernando City, La Union kung saan ito nakumpirmang positibo sa COVID-19.
Sa ngayon, nasa maayos na umanong kalagayan ang pasyente ngunit kinakailangan pa itong maobserbahan ng 14 na araw.