-- Advertisements --

VIGAN CITY – Isinasailalim ngayon sa lockdown ang Brgy. Catacdegan, Manabo, Abra matapos na nakumpirma ang kauna-unahang kaso ng coronavirus disease 2019 sa nasabing lalawigan.

Ang pasyente ay isang seaman mula sa United Arab Emirates na nakarating sa nasabing bayan noong March 8 at noong March 9 ay nakilahok sa parada ng Bangued, Abra at nanood pa umano sa Kawayan Festival.

Noong March 10 ay pumunta ang pasyente sa Lorma Hospital, San Fernando City, La Union upang dalawin ang inang maysakit at doon umano ay napag-alaman na may mataas na lagnat ang pasyente kaya idineklara siyang person under investigation at nang makauwi ito sa bayan ng Manabo ay hindi niya ipinaalam sa mga barangay official ang kanyang kalagayan at hindi rin nagself-quarantine dahil namasyal pa rin ito sa Baay-Licuan.

Kasalukuyang nakaquarantine ngayon ang pasyente kasama ang kanyang pamilya at mahigpit itong binabantayan ng mga otoridad upang hindi ito makahawa sa iba.