KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang damage assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng North Cotabato sa pinsalang iniwan ng pagbaha sa bayan ng Antipas at Matalam sa nabanggit na probinsiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PDRRMO Chief of Operations Arnulfo Villaruz, dahil sa malakas na buhos ng ulan na naranasa ng kanilang lalawigan ay binaha ang Barangay Luhong ng bayan ng Antipas kung saan maraming bahay ang pinasok ng tubig-baha lalo na ang mga nasa low-lying areas.
Maging ang national highway ay binaha rin kung saan daan-daang mga motorista ang na-stranded kahapon na tumagal ng 2 hanggang 3 oras.
Ayon pa kay Villaruz, may mga naiulat din na mga bahay na binaha sa bahagi ng Matalam at nagpapatuloy rin ang damage assessment sa lugar.
Samantala, may mga naiulat din umano na maliliit na landslide sa bulubunduking bahagi ng nabanggit na bayan.