-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Maraming mga sibilyan ang lumikas sa pagsalakay ng mga armadong grupo kagabi sa lalawigan ng Maguindanao.

Ayon sa ulat ng pulisya, muling inatake ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang Barangay Itaw, South Upi, Maguindanao.

Dahil sa takot ay lumikas ang mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar.

Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Cafgu at 57th Infantry Battalion Philippine Army kung saan nakasagupa nito ang mga rebelde.

Hanggang kaninang madaling araw ay naririnig pa ang putukan sa pagitan ng militar at BIFF.

Hindi naman matiyak ang bilang ng mga nasawi at nasugatan sa pagsalakay ng mga terorista.

Matatandaan na noong nakalipas na linggo ay sinalakay din ng BIFF ang Brgy Itaw at sinunog ang mga kabahayan ng mga sibilyan.

Gayundin tinambangan si South Upi Mayor Reynalbert Insular at municipal councilor Basit Kamid.

Nagdagdag na ngayon ng pwersa ang Joint Task Force Central sa bayan ng South Upi dahil sa nagpapatuloy na combat operation laban sa mga rebelde.