TUGUEGARAO CITY – Isinailalim sa total lockdown ang Brgy. Cataggaman Viejo sa Tuguegarao matapos magkahawaan ng virus ang nasa 14 na indibidwal sa lungsod.
Ito ay sa bisa ng Executive Order na inilabas ni City Mayor Jefferson Soriano bilang bahagi ng pag-iingat banta at pagkalat ng virus.
Sinabi ni Mayor Soriano na pitong COVID-19 checkpoints ang inilatag sa lugar upang mabantayan ang galaw ng mga residente.
Aniya ay mahigpit na ipinatutupad ngayon sa lugar ang curfew hours mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga.
Maalalang unang isinailalaim sa zoning containment strategy ang Cataggaman Viejo ng magpositibo sa virus ang apat na miyembro ng pamilya at kalaunan ay nakapanghawa ng apat na iba pang kaanak mula sa Ugac Norte at Cataggaman Pardo.
Tatagal ng hanggang Agosto 31 ang ipatutupad na total lockdown sa nasabing barangay habang tiniyak ng alkalde na mabibigyan ng kaukulang tulong ang mga residente sa lugar.
Sinabi pa niya na tanging mga frontliners lang ang pinapayagang lumabas sa nasabing barangay ngunit pansamantalang hindi muna papayagang makabalik.
Ito ay upang maiwasan pa rin ang pagkalat ng virus sa lugar.
Umapela ang alkalde sa mga residente ng lungsod na tumalima sa mga inilatag na panuntunan upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa lungsod ng Tuguegarao.