CENTRAL MINDANAO-Personal na alitan o rido ang natatanaw na motibo ng mga otoridad sa pananambang sa tatlo katao sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na sina Harong Unggad Melecano,37 anyos, may asawa, Brgy Secretary at Ali Lubalan Guimalod, 47, may asawa, magsasaka habang sugatan naman si Rokamin Unggad Melecano,20 anyos,binata at mga residente ng Sitio Ipil-Ipil Brgy Nabalawag Midsayap Cotabato.
Ayon kay Midsayap Chief of Police, Lieutenant Colonel John Miridel Calinga na sakay ang mga biktima ng traysikad sa bahagi ng Makar Highway sa Brgy Nabalawag sa bayan ng Midsayap ng bigla silang harangin ng hindi kilalang mga armadong kalalakihan sa gilid ng kalsada at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Midsayap.
Patay on the spot si Melecano nang tamaan ng bala sa ulo at dibdib habang naisugod sa pagamutan ang dalawa niyang kasamahan ngunit dineklara ng mga doktor na dead on arrival si Guiamalod.
Sa ngayon ay may mga person of interest na ang pulisya na kanilang iniimbestigahan na posibling may kinalaman sa pananambang sa mga biktima.