-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patay ang isang barangay tanod matapos binaril sa Barangay Manoling, President Roxas, Capiz.

Kinilala ang biktima na si Jerry Abendano, 27-anyos at residente ng naturang barangay.

Ang mga suspek ay magpinsang sina Gabriel Batan at Elohilo Batan ng parehong lugar.

Base sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo kay Police Master Sergeant Raffy Villariez, imbestigador ng President Roxas Municipal Police Station, sinaway umano ng biktima ang mga suspek dahil sa ingay ng kanilang pagbi-videoke.

Sa halip na sumunod ay ikinagalit ng mga suspek ang pagsita sa kanila kaya binaril ang biktima na nagtamo ng sugat sa dibdib.

Kapwa nakainom ang mga suspek nang mangyari ang pamamaril.

Patuloy naman ang paghahanap ng mga kapulisan sa mga suspek na mabilis nakatakas matapos ang krimen.