CENTRAL MINDANAO-Binigyang-pugay ng City Government of Kidapawan ang malaking suporta na ibinigay ng lahat ng mga barangay sa lungsod sa ipinatutupad na barangay vaccination laban sa Covid-19 o Barangay to the Vaxx.
Sa Culmination Program ng ika-24 Charter Day ng Kidapawan City ay iginawad ang mga prizes para sa lahat ng 40 barangay sa lungsod.
Tatlo sa mga ito ang nakakuha ng pinakamataas na vaccination percentage rate kung saan lumampas sa 100 % ang vaccination ng target population.
Top 1 ang Barangay Magsaysay na nakapagtala ng 130.78% (P100,000), Top2 ang Barangay Indangan na may 121.99% (P75,000), at Top 3 ang Barangay Ilomavis na may 117.31% (P50,000).
Mismong sina Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista at Covid-19 Nerve Center Head Atty. Paolo Evangelista ang nag-abot ng mga cash prizes sa mga Punong Barangay. Kasama din sa pagbibigay ng mga papremyo ang mga City Councilors na sina Maritess Malaluan, Junares John Amador, Airene Claire Pagal, Carlo Agamon, at ABC President at Ex-Oficio Morgan Melodias at mga personnel ng City Health Office.
Sinabi ni Mayor Joseph A. Evangelista na nararapat lamang na suklian ng parangal at gantimpala ang mga barangay dahil sa ipinakita nilang malaking suporta sa vaccination roll-out ng City Government of Cotabato.
“Labis akong nasisiyahan sa buong pusong pakikiisa ng mga barangay at sa ibayong suporta na kanilang ipinakita sa pagbabakuna ng mga nasasakupan laban sa Covid-19. Patunay ito na sama-sama tayo sa paglaban sa sakit na ito at sa layuning maging ligtas ang bawat isa”, ayon kay Mayor Evangelista.
Samantala, tumanggap naman ng tig-P30,000 ang mga barangay na naka-100% din sa kanilang target population at ito ay ang mga barangay ng Manongol, Poblacion, Sikitan, Sto. Nino, Nuangan, Birada, Kalaisan, at Malinan.
Nakakuha naman ng tigig-P20,000 naman ang iba pang mga barangay na hindi naabot ang 100% vaccination rate ngunit nagbigay daan din sa malawakang vaccination laban sa Covid-19 at ito ay ang mga barangay ng Balindog, Amazion, New Bohol, Mateo, Kalasuyan, Binoligan, Ginatilan, Katipunan, Meohao, Luvimin, Balabag, Lanao, Perez, Gayola, San Roque, Sibawan, Sumbac, Junction, Linangkob, Marbel, Singao, Macebolig, San Isidro, Amas, Sudapin, Mua-an, Onica, Paco, at Patadon.
Ang pagbibigay naman ng incentives sa mga barangay at mga vaccinee ay isa sa mga best practices ng City Government na kinilala Ng Regional Inter-Agency Task Force for COVID-19 o RIATF.
Kaugnay nito, pinasalamatan din ni Atty. Jose Palo M. Evangelista ang mga Punong Barangay kasama ang iba pang mga opisyal ng barangay lalo na ang mga mamamayan sa ipinakitang interes at sigasig sa pagbabakuna.
“Nararapat lamang na kayo ay mabigyan ng gantimpala bilang pagsaludo sa napakalaking tulong na ipinamalas sa harap ng nagpapatuloy na Pandemiya ng Covid-19.
Ang sama-samang pagkilos ng mga barangay ay hindi lamang para sa mga nabubuhay sa kasalukuyan ngunit para na rin sa kapakanan at kinabukasan ng mga kabataan”, ayon pa kay Atty. Evangelista.
Bilang tugon ay nagpasalamat naman ang mga opisyal ng barangay sa pagkilala sa kanila at sa premyong natanggap at sinabing gagamitin nila ito sa kampanya laban sa Covid-19 at sa iba pang makabuluhang bagay.
Ang Barangay to the Vaxx Awarding Ceremony ay isa sa mga highlights ng 24th Charter Day ng Kidapawan City na may temang “Kidapawan City United for Prosperity Amidst Adversities”.