Binalaan ni Committee on Dangerous Drugs Chairman Congresman Robert Ace Barbers ang isa sa mga resource speakers na Rose Lin at ang mga kasamahan nito sa kanilang pag-isnab sa mga show cause order hinggil sa pagkakadawit nito sa natimbog na shabu warehouse sa Pampanga.
Sa ika-pitong pagdinig ng Kamara tungkol dito, sinabi ni Barbers na nauubos na ang kanyang pasensya sa patuloy na hindi pagsipot ng mga inaakusahang may kinalaman sa na-raid na Empire 999 Realty Corporation kung saan nasamsam ang shabu na nagkakahalaga ng mahigit tatlong bilyong piso.
“This committee has been very, very patient with all resource persons and witnesses. If in the next hearing you will still be absent, we have no choice but to cite you in contempt and implement the necessary action given by the House of Representatives,” ani Barbers.
Inilabas ang mga show cause order para kay Lin noong May 23, 2024 na natanggap ng kanyang authorized representative noong June 12.
Tungkol ito sa mga kumpanyang Golden 999 Realty and Development Corp. at Fullwin Group of Companies kung saan nakaupo si Lin bilang Treasurer.
Ang mga nabanggit na kumpanya ay iniimbestigahan dahil ang mga incorporator nito, kasama na si Lin, ay konektado rin sa Empire 999 at kay Michael Yang.
Lumabas din sa mga pagdinig na magkakapareho ang ilan sa mga personalidad at main players sa likod ng Empire 999 at Pharmally controversy.
Naging mailap si Lin mula noong sunod-sunod na pumutok ang mga isyu tungkol sa POGO at illegal drugs.
Huling namataan si Lin sa Homeland Subdivision, Quezon City noong June 16.
Matatandaan na maraming beses ding inisnab ni Rose Lin ang patawag ng Senate Blue Ribbon Committee noong dinidinig ang multi-bilyong anomalya ng Pharmally.
Nauna namang iginiit ni Barbers na ang patuloy na pagliban at pagtanggi sa imbitasyon ay guilty sa illegal na aktibidad.