-- Advertisements --

Kinondena ng isang mambabatas ang tinagurian nitong “Makabagong Makapili” o mga Pinoy at Tsinoy at kanilang mga bayarang troll ay vlogger na nagsisilbing “parrot” ng China.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairperson ng House Quad Committee, at House Committee on Dangerous Drugs ang mga “Makabaging Makapili” ang dumedepensa at nagkakalat ng maling impormasyon kaugnay ng ginagawa ng China sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Barbers na nakakalungkot ang ginagawa ng mga ito dahil ang dapat nilang sinusuportahan ay ang Pilipinas at hindi ang China.

“Sila ang nagpapalaganap ng mga maling impormasyon laban sa sarili nating bayan. Mariin nilang sinasabi na tama ang Tsina sa pag-angkin ng mga teritoryo natin at dapat daw makipag-dayalog tayo upang malutas ng mahinahon ang sigalot na ito,” sabi ng mambabatas.

Sa isang privilege speech, kinondena ni Barbers ang China sa sinabi nito na makikipagnegosasyon lamang sa Pilipinas kung ibabasura ng bansa ang naging desisyon ng United Nations Conventions on the Law of Sea (UNCLOS) at ruling ng Hague-based International Arbitral Tribunal na ang WPS ay sa Pilipinas.

“Sinabi pa nga nila kaya South China Sea ang tawag duon ay patunay na pag-aari nila yun. Nakakatawa sapagkat mga Portuguese ang nagtawag dito na South China Sea, na nuo’y tinatawag na Champa Sea, named after the Austronesian Kingdom of Central Vietnam,” ayon kay Barbers.

Dagdag pa ng Kongresista, “This, despite the “clear as the morning sun” ruling of UNCLOS and IAT that China’s claim of historic rights to resources in areas falling within its invisible demarcation line (in the West Philippine Sea) ‘had no basis in law and is without legal effect’,” dagdag pa nito.

Paliwanag a ni Barbers, “Kung historical rights ang basehan ng China sa WPS, dapat pag-aari ng Mongolia ang buong Tsina sapagkat nasakop nila yan noong Yuan Dynsasty sa pamumuno ni Mongolian Emperor Kublai Khan. Gayun din ang Pilipinas na aangkinin ng Spain o Espana sapagkat mahigit 300 years nila tayong sinakop.”

Sinabi ni Barbers na ang gusto ng China ay kilalanon ang kanilang “no legal basis territorial lines” kahit na malinaw ang desisyon na ang WPS ay nasa loob ng 200 nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas.

Nanawagan si Barbers sa mga Pilipino na magkaisa sa pagkondena sa ginawa ng China sa WPS.