-- Advertisements --

Muling nananawagan si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa defense department na magtayo ng naval facility sa Surigao del Norte sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na layong protektahan ang eastern seabord ng bansa mula sa mga smugglers at mga dayuhang nanghihimasok.

Ginawa ni Barbers ang apela kasunod ng plano ng Department of National Defense (DND) na magtayo ng naval facility sa loob ng Phividec Industrial Authority (PIA) business complex sa Misamis Oriental.

Ang 3,000 hectare na Phividec estate ay isang economic zone.

Batay sa report ang EDCA site sa loob ng Phividec industrial complex ay magbibigay-daan sa logistics function kapwa sa military at civil defense.

Nasa 30 kilometro ang layo ng Phividec sa Lumbia air base sa Cagayan de Oro City.

Nilinaw ni Barbers na hindi nito kini-kwestiyon ang logic at wisdom sa likod ng planong pagtayo ng EDCA naval site Phividec facility.

Subalit sa tingin ng mambabatas na magiging masinop tayo na huwag ihalo ang business complex sa military complex.

Binigyang-diin ni Barbers na matagal na nilang inaalok ang kanilang probinsiya na duon magtayo ng EDCA naval site.

Lalo at nuong Lunes narekober ng mga mangingisda ang isang underwater drone ng China sa karagatan ng San Pascual, Masbate nuong Lunes.

Naniniwala si Barbers na hindi malayong matagal nang nagsasagawa ang China ng isang malalim na intelligence gathering sa loob ng karagatan ng Pilipinas at posibleng kasama ang datos tungkol sa deuterium na malawakang ginagamit sa mga prototype fusion reactor at may aplikasyon sa militar, industriyal at siyentipikong larangan.

Sa mga nuclear fusion reactors, ginagamit ito bilang tracer at responsable ito sa pagpapabagal ng mga neutron sa heavy water moderated fission reactors.