Isinusulong ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na muling buhayin ang death penalty sa bansa at isama dito ang iba pang mga krimen.
Ginawa ni Barbers ang pahayag kasunod ng nangyaring road rage incident sa may bahagi ng Makati-Edsa tunnel kung saan ang biktima na isang family driver.
Ayon kay Rep. Barbers, isang Chinese ang suspek at ang bansa ay nagiging lugar ng mga kriminal, terorista, espiya at sleeper cell, resulta nito nagiging katatawanan na ang Pilipinas sa mundo.
Tanong ng beteranong mambabatas kung paano nagkaroon ng baril ang suspek na isang Chinese bully at walang habas na binaril ang isang inosenteng Pilipino.
Sinabi ni Barbers na nagkagulo na ang sistema natin, ang katiwalian mula sa pinakamababang ranggo na mga empleyado na nagpapadali o “nag-aayos” ng mga transaksyon para sa isang bayad, hanggang sa matataas na opisyal sa gobyerno na nagpapahintulot at nagbibigay ng kapangyarihan sa mga kriminal, dahilan na nagagawa ng mga kriminal ang kanilang gusto dahil hinayaan natin na makapang abuso ang mga ito.
Aniya, nasira ng katiwalian ang moral fiber ng mga Pilipino, dahil ang paniniwala ng mga banyagang ito na ang bawat Pilipino ay may kanya-kanyang presyo, anuman ang kanyang katayuan at posisyon, pwede itong masuhulan.
Dahil dito, binigyang-diin ni Barbers na panahon na upang buhayin ang parusang kamatayan at isama ang higit pang mga krimen na mapaparusahan ng kamatayan.
Aniya, kung nais nating iligtas ang mga susunod na henerasyon, kailangan nating ipakita sa kanila ang tamang paraan ng pamamahala, ang kaluwagan at kawalang-interes ay makakasira ng tiwala at pananampalataya sa gobyerno.
Giit ni Barbers na nakita na natin kung paano pinaandar ng mga kriminal na ito ang ating mga batas dahil alam nilang makakalusot sila dito gamit ang kanilang pera at impluwensya.