-- Advertisements --

Nadagdagan pa ang bilang ng mga nagnanais na maging speaker ng Kamara sa 18th Congress.

Ito ay matapos na ianunsyo ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na pangarap din niyang mahalal sa pinakamataas na posisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“I am a little bit late in announcing mybid, but miracles do happen,” ani Barbers.

Napag-alaman na ilang political groups ang nagpahayag na ng suporta kay Barbers para pamunuan ang Kamara, lalo na at naayon daw ang mga adbokasiyang isinusulong nito sa mga ipinapatupad naman ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ng mga grupong sumusuporta kay Barbers na kailangan ng bansa ang isang bata, bago pero beteranong politiko na suportado ang government policies ng Duterte administration, partikular na ang kampanya kontra iligal na droga.

Bukod kay Barbers, hangad din na mahalal bilang bagong Speaker sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, incoming Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano, Leyte Representative-elect Martin Romualdez, at Davao del Norte at dating Speaker Pantaleon Alvarez.

Si Velasco ay sinasabing suportado ni Davao City Mayor Sara Duterte, na sinasabing nasa likod ng pagpapatalsik kay Alvarez sa opening ng regular session noong nakaraang taon.

Nakuha naman daw ni Cayetano ang endorsement ni Pangulong Duterte, habang si Romualdez naman ay umaasa sa suporta ng mga nanalong kasamahan sa partido na Lakas-CMD at sa iba pang mga kapwa kongresista.