Suportado ng malakas na ebidensya ang mga alegasyon sa impeachment case na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte ay suportado ng maraming matitibay na ebidensya.
Ito ang inihayag ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Si Barbers, na siyang lead chairman ng House Quad Comm lead, ay nagbigay ng pahayag bilang tugon sa sinabi ni Duterte na hindi nito pinagbantaan na ipapapatay sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ang nasabing banta, na ginawa ni Duterte noong Nobyembre 2024 at kumalat sa social media, ay kasama sa Articles of Impeachment, na nilagdaan ng 215 kongresista at isinampa ng Kamara de Representantes sa Senado noong Miyerkoles.
“Well yung first Article of Impeachment eh may mga ebidensya pong nakasama po ‘dun, ‘yung videos, ‘yung pahayag na ating bise presidente, kaya nga po naisama po ‘yan and kaya nga po may proseso,” pahayag ni Barbers.
Sinabi niya na lalabas ang katotohanan sa impeachment trial ni VP Duterte sa Senado.
Ayon kay Barbers, bagamat hindi siya abogado, sa kanyang sariling opinyon ay sapat ang ebidensya para suportahan ang mga paratang sa impeachment.
Binigyang-diin niya na nasa senator-judges ang responsibilidad na suriin ang mga paratang sa impeachment at ang ebidensya.
Bilang tugon sa tanong, sinabi ni Barbers na mahirap ipanukala na magbitiw si VP Duterte upang hindi na gumastos ang bayan para sa impeachment trial.
Aniya, ang na-impeach na Pangalawang Pangulo ay may karapatang dumaan sa due process sa Senado.
Gayunpaman, pinuna ni Barbers si VP Duterte dahil hindi umano nito sineseryoso ang impeachment na inaprubahan ng supermajority ng mga miyembro ng Kamara.
Bilang tugon sa pahayag ng Pangalawang Pangulo na mas masakit pang iwanan ng kasintahan kaysa ma-impeach, sinabi ng mambabatas mula Mindanao, “Kanya kanya namang pakiramdam ‘yan and we have to give it to her…she’s not taking it seriously. And that’s her right.”