-- Advertisements --

Suportado ni Surigao Del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang pahayag ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr., na may nagtangka talaga na i-cover up ang sinibak sa serbisyo na si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo na inaresto dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.

Si Mayor ay hinuli sa ikinasang anti-illegal drug operation ng mga otoridad noong October 2022 sa tanggapan ng isang lending company sa Maynila na pag-aari ng nasabing pulis.

Batay sa ulat, aabot sa halos isang toneladang recycled shabu ang nasamsam ng raiding team sa nasabing operasyon.

Ayon kay Barbers, na siyang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, gumugulong na ang imbestigasyon ng kanyang komite hinggil sa nasabing kaso na kinasasangkutan ni Mayo at ng iba pang ranking police officers.

Sinabi ng mambabatas, na mayroon na silang hawak na mga ebidensya, testimonya at mga dokumento kabilang na ang authentic CCTV footages na magbubunyag sa katotohanan at tunay na nangyari sa likod ng mga kwento na inihayag ng ilang police scalawags.

Ipinunto ni Barbers na batid nila na hindi maaring mag-prosecute ang mga mambabatas, subalit may kapangyarihan aniya sila na i-endorso sa korte at mga kinauukulang ahensya ang resulta ng kanilang ikinasang pagdinig.

Pinuri naman ni Barbers ang paninindigan ni Sec. Abalos na linisin ang hanay ng Pambansang Pulisya kasabay ng pagtitiyak na susuportahan ng Kamara ang mga hakbangin ng kalihim para masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng mga Pilipino.