-- Advertisements --

Nagdulot umano ng katiwalian sa hanay ng Philippine National Police (PNP) at nagpalaganap ng impunity, at nagresulta sa malawakang pag-abuso sa karapatang pantao ang bigong drug war ni dating Pang. Rodrigo Duterte.

Ito ang sinabi ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang lead chairman ng House Quad Comittee, na isang pagsang-ayon sa pahayag ni Interior Sec. Jonvic Remulla na tinawag ito bilang “malawakang sabwatan” sa loob ng hanay ng kapulisan upang pagtakpan ang mga ilegal na gawain, na panahon na umano para panagutin.

Ayon pa kay Barbers, na siyang chair ng House Committee on Dangerous Drugs, ang 30 opisyal ng pulis na kinasuhan, kabilang na ang dalawang heneral, kaugnay sa gawa-gawang “drug haul” noong 2022 ay isang malinaw na katibayan ng umano’y sistematikong pang-aabuso na idinulot ng mga polisiya ni Duterte.

Una ng sinabi ni Remulla na ang pekeng drug haul, na pinalabas na isang malaking tagumpay laban sa droga, ay bahagi ng mas malawak na sabwatan upang itago ang mga ilegal na gawain ng PNP.

Sinabi rin ni Remulla na magsasagawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng imbestigasyon ukol sa drug-related operation mula 2016 hanggang 2022, na magbibigay-tuon sa reward sytem na nabunyag sa mga pagdinig ng Quad Committee.

Sinegundahan ni Barbers ang pahayag ni Remulla na ang reward system ang nagpalaganap ng katiwalian sa loob ng PNP.

Binigyang diin ni Barbers na ang mga pabigla-biglang polisiya ni Barbers ay lumikha ng perpektong pagkakataon para sa korupsyon.

Kaya’t dapat lamang ayon kay Barbers na managot ang lahat ng mga responsable sa pinsalang dulot ng polisiyang ipinatupad ng administrasyon ni Duterte.

Nanawagan din ang beteranong mambabatas ng komprehensibong reporma upang masugpo ang tinukoy niyang “culture of impunity” sa loob ng PNP.

Ipinunto rin ng mambabatas ang kahalagahan ng independiyenteng pagsusuri sa mga reward system, mas mahigpit na mga patakaran ng transparency sa mga police operation, at mas mabigat na parusa para sa mga extrajudicial killings.

Ayon kay Barbers, ang pagsasampa ng kaso laban sa 30 opisyal na nasangkot sa pekeng drug haul ay dapat magsimula ng isang mas malawak na hakbang upang papanagutin ang mga nagkasala.