Good news sa nakaka-miss na sa kanilang mga barbero at beauty salons.
Pinayagan na rin ng gobyerno ang reopening ng mga salons at barber shops sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine simula sa June 7, araw ng Linggo.
Ito ang kinumpirma ngayon ni Trade Secretary Ramon Lopez.
Aniya, inaprubahan na ng IATF ang 30 porsyento na capacity sa pagbubukas muli ng operasyon ng mga salons at barbershops.
Ayon kay Lopez, lumalabas daw sa kanilang mga pag-aaral na mas maayos ang preparasyon ng ganitong mga establisyemento para sa mga safe preparations kontra sa COVID-19.
Naglatag na rin ang DTI ng mga komprehensibong guidelines.
Kabilang sa mga ito ang contactless appointments at pagbabayad.
Halimbawa na lamang dito ang ibabayad ng mga kustomer matapos magpagupit ay ilalagay sa nakalaang tray sa loob ng parlor.
Dapat ang naggugupit ay palaging nakasuot ng face masks, tuparin ang one-meter distance, i-sanitize palagi ang work stations at mga tools na ginagamit, may disenfection mats sa entrances, tatakpan ang mga furnitures at ang kasama nang nagpapagupit kung maaari ay bawal muna sa loob ng salon.