Mas na-appreciate na ni Barbie Imperial ang kahalagahan sa tuwing nagkakaroon ng bonding moments sa kanyang pamilya.
Pahayag ito ng 22-year-old actress kasunod ng pagbunyag na kabilang siya sa nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) kahit pa “lock in” ang taping nila ng kinatatampukang teleserye.
Ayon kay Barbie o Barbara Imperial sa tunay na buhay, talagang hindi siya nagbigay ng online update tungkol sa pagiging COVID positive niya at sa bahay na lang din nagpagaling.
Ayaw na aniyang malito ang kanyang fans lalo’t sanay siya na laging late na ang kanyang mga social media posts.
“Baka isipin nila na kasama ko sila (pamilya ko) ‘nung day na ‘yun eh hindi naman talaga. Wala naman akong balak kasi parang ako, every time I post on my Instagram hindi siya real time. After ng lock in, umuwi na lang ako. Pinili ko na lang na huwag na lang mag-post since wala naman akong naka-contact na ibang tao. Pamilya ko lang,” saad nito sa virtual press con finale ng kanilang show.
Bakas din ang panghihinayang ng young actress na sana noong wala pang pandemya ay nabigyan nito ng mas maraming oras ang pamilya, kompara ngayon na marami nang bawal.
Maliban sa kasintahan ni Diego Loyzaga, COVID survivors na rin ang co-stars nito tulad ni Tony Labrusca, Keempee de Leon, Heaven Peralejo, Nikki Valdez at Sunshine Cruz.