LEGAZPI CITY – Umaasa ang Department of Education (DepEd) Regional Office 5 na aakyat sa Top 10 ang ranking ng Bicol ngayong Palarong Pambansa 2019 na gaganapin sa Davao City, matapos na lumagapak sa ika-13 na puwesto noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DepEd-Bicol Director Gilbert Sadsad, may ilang atleta na rin silang napipisil na makakapag-break ng record sa sports events.
Hahakot aniya ng gintong medalya ang mga kinatawan para sa arnis, swimming, track and field, wrestling at boxing, maging sa iba pang events.
Kabilang sa mga inaasahang makakapag-uwi ng medalya ang barefoot runner at unang gold medalist noong Palaro 2018 na si Leslie de Lima, tubong Baao, Camarines Sur, para sa long distance run.
Kagaya ng nakasanayan, muling tatakbo si De Lima na nakayapak kahit binilhan na ng bagong spike shoes ng Bicol team.
Kahapon nang dumating sa lungsod ang delegasyon ng mga Oragon na kinabibilangan ng 830 atleta, coaches at working committees, na kasalukuyang naka-billet sa Sta. Ana High School.
Samantala, iniurong sa Abril 28, Linggo, ang nakatakdang pagbubukas ng sporting event kaugnay ng availability ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsisilbing panauhing pandangal.